Si San Jose, bilang ama, bilang karpintero at mabuting manggagawa
Mt13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: "Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba't siya ang anak ng karpintero? Hindi ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?" At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta." At kaunti lamang ang kanyang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
PAGNINILAY
Mga kaibigan, nagulat ang mga kababayan ni Jesus sa kanyang taglay na kapangyarihan at talino sapagkat kilala nga nila ang pamilya ni Jesus. Hindi nila matanggap na mas magaling si Jesus kaysa kanila samantalang isa lamang s'yang anak ng karpintero. Ang akala nila ay talagang kilala nila si Jesus, hindi nila nakita ang tunay niyang pinagmulan at ang kanyang pagiging Anak ng Diyos at tunay na Diyos. Dahil dito, hindi sila naniwala kay Jesus kaya't kukunti rin ang ginawa niyang himala sa kanyang sariling bayan. Mga kaibigan, kung iuugnay natin sa ating karanasan ang nangyari sa Panginoon, hindi ba't ganitong-ganito rin ang ating reaksyon sa mga taong kilala natin na nagtagumpay. Kung baga eh, dahil kilala natin sila kaya't hindi tayo naniniwala sa kakaiba nilang kakayahan. Halimbawa ang isa sa ating kapitbahay na mahirap na ng dahil sa kanyang pagsisikap ay naging isang dalubhasang doctor. Hindi tayo lumalapit upang magpapagamot sa kanya sapagkat wala tayong tiwala sa kanyang kakayahan. Kasi nga naman ay kilala natin s'ya bilang isang mahirap tapos ngayon, isang doctor na. Mga kaibigan, walang imposible sa Diyos, ang lahat ay kaya n'yang ipagkaloob sa sinumang nais n'yang pagkalooban. Sana makita natin ang pagkilos ng Panginoon sa buhay ng ating kapuwa, sapagkat ang mga biyayang ipanagkakaloob ng Panginoon ay para gamitin at ibahagi sa kapuwa, ngayon kung wala tayong tiwala sa isa't isa, paano magkakaroon ng mabuting bunga ang biyaya ng Panginoon sa ating buhay? Kaya nga magtiwala tayo sa Panginoon upang makagawa rin s'ya ng mga himala sa ating buhay at hilingin natin ang tulong ni San Jose, ang Patron ng mga manggagawa.
Labels: alex alcarion, katuwiran at katotohanan, penakbet
0 Comments:
Post a Comment
<< Home